Sa pang sampuang upuan
Pang labing isa ka
“Usod pa” kasya pa ang isa
Mungkahi ng driver kahit punong puno na
Mahirap ipagsiksikan ang sarili sa upuang punong puno
Lalo na kung ang sasakyan ay mahirap huminto
Uusad ng kaunti
Ngunit sa susunod na biyahe
Hihintong muli
May ibang sasakyan pa namang dadaan sa kalyeng inyong tinatahak
Ngunit bakit idinidiin ang sarili sa upuan kahit na nakasabit sa pinto ay mahigpit kang nakahawak
Ang pag ibig ay parang ganto
Magmamahal ka at ibubuhos ang nararamdaman ng husto
Gagawin ang lahat para sa taong nagpapasaya sa iyo
Kahit na nasasaktan ang sarili dahil wala siyang pake sa pagmamahal na nadarama mo
Tulad ng upuan sa sasakyan
Uusad ka pa at ang sarili ay ipagdidiinan
Ayos lang kung masaktan
Ok lang kung ang puso ay masugatan
Andyan naman si bakasakali
Na baka sana pagbayad mo mabigyan narin ng sukli
Ang pagmamahal na ni minsan hindi nya hiningi
Na kahit anong sigaw mo hindi nya marinig at tila isang bingi.
Ngunit tulad din ng pagsakay sa jeepney
Hihinto ka at magmumuni muni
Aapakan ng driver ang preno
At ang sasakyan ay hihinto
Kasabay ng pagtigil nito ang pagluha ng iyong puso
Ang pagtigil sa pagtibok nito
Sa taong hindi ka mabigyan ng punto
Unti unting mawawala ang nadarama
Bababa sa sinasakyan mo kanina
At darating ang motorsiklong nakalaan lang sa iyo talaga
Sa motorsiklong kayo lang ang kasya
Sa sasakyang walang bayad ngunit may sukling ipadarama
Walang sabit
At walang siksikan na pursugidong kumapit
Sa taong ikaw lang sa kanya ang mahalaga
Sa taong pahahalagahan ang pagsakay mo higit sa naunang isa.