Wika


Kung ang wika ang gamit ng tao sa paghubog ng kamalayan
Paano na lamang itong ating inang bayan
Kung ang sariling salita sa pagdaan ng panahon ay pinababayaan
Sa susunod na henerasyon,anong wika pa ang maipagmamalaki sa ibang tahanan

Wikang katutubo minana pa ng iyong ina sa nuno ng kanyang nuno
Binalangkas,pinlano at pagkuway umusbong ang pagkatuto
Ipinaglaban ng mga taong binansagang mga indyo.
Ang wikang nilapastangan at binastos mo.

Dugo’t pawis ang inialay upang makuha ang kaparapatan ng ating bayan
Magkaroon ng kalayaan sariling wika natin ay makamtan
Masawi man ang buhay,mawalan man ng kaligtasan
Tila isang kawayan na nakikipagsapalaran sa gitna ng malakas na hangin at ulan

Sa banyagang salita huwag magpaalipin
Sariling wika sa baba ay huwag hilahin
Ikumpara man ang kulay,estado at yaman patuloy natin itong piliin
Sapagkat ang wika ay ang kaluluwa ng inang bayang ating angkin.

Malango ka man sa kulturang banyaga
Ngunit palaging isipin na unahin ang sariling bansa
Huwag magpapadala sa mabulaklak na salita bunga ng matatamis na dila
Kung ang kapalit nito ay ang iyong pagmamahal sa sariling wika.

Leave a comment